Arestado ang apat na high-value drug personalities sa Saguiaran, Lanao del Sur sa isang pinagsanib na operasyon ng iba’t ibang law enforcement units noong Pebrero 28, 2026. Mula sa kanila, nakumpiska ang humigit-kumulang 388 grams ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P2,638,400. Isa sa mga nahuli ay kabilang sa 2nd Quarter 2021 Illegal Drug Personality List.
Ang mga suspek ay residente ng Lumbayanague, Lanao del Sur; Pantar, Lanao del Norte; at Baloi, Lanao del Norte.
Ayon sa ulat, matagumpay na naisakatuparan ang operasyon sa tulong ng intelligence-driven buy-bust at mahusay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit, kabilang ang RDEU/RSOG, PSOG/PDEU LDSPPO, Saguiaran MPS, at iba pang katuwang na ahensya.
Mula sa suspek na kilala bilang alyas Long Hair, nakumpiska ang droga, isang gray GL Grandia na ginamit bilang transport vehicle, buy-bust money, isang ID card, isang brown sling bag, dalawa pang lighter, isang broken set ng improvised roller, at isang Android phone.
Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Saguiaran MPS para sa tamang dokumentasyon at pagsampa ng kaukulang kaso batay sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni PCOL Caezar P. Cabuhat, Provincial Director ng LDSPPO, ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement units sa laban kontra ilegal na droga at iba pang krimen sa lalawigan.

















