Patay ang apat katao, kabilang ang isang 8-taong-gulang na batang babae, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Kadir Sarat Indao, 29; Rohana Sarat Indao, 8; Basit Gampong, 63; at Mokaram Sarat, 73 — pawang residente ng Barangay Ladia.
Sugatan naman sina Rohamin Ali Omar, 17, at Hasim Ali Omar, 32, mula sa Barangay Crossing Simuay, at si Noria Basit Indao, 35, mula sa Barangay Ladia.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, anim na armadong suspek na sakay ng puting minivan na walang plaka ang dumating sa lugar at walang sabi-sabing nagpaputok sa mga biktima bago mabilis na tumakas.
Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek habang isinasaayos ang mga lead upang matukoy ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.