Arestado ang apat na katao, kabilang ang isang menor de edad, matapos isagawa ng mga awtoridad ang isang drug buy-bust operation kahapon bago magtanghali sa bahagi ng Kalye Demazenod, Rosary Heights 5, Cotabato City.
Batay sa ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station (MPS), kinilala ang mga suspek na sina Abdul Guiaber, Nurjel Datumanong, Arman Macmod, at ang menor de edad na anak ni Macmod na may alyas na Juhaimen.
Ayon sa imbestigasyon, sa Barangay Salimbao, Bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte sana gaganapin ang transaksyon. Subalit nag-alinlangan umano ang mga suspek at inilipat ito sa Cotabato City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 300 gramo at may tinatayang halagang P2,040,000.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Sultan Kudarat MPS ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.