Apat (4) katao, kabilang ang isang menor de edad, ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis sa Rosary Heights 5, Cotabato City, alas-11:20 ng umaga nitong Abril 13, 2025.
Target ng operasyon si Abdul Mohaimen Mastura Guiaber alyas “James,” 31 anyos. Kasama pa sa nahuli sina Arman Macmod, 35; Nurjel Datumanong, 21; at isang menor de edad na anak umano ni Macmod.
Nasabat mula sa kanila ang anim (6) na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang tumitimbang ng 300 gramo at nagkakahalaga ng P2.04 milyon na siyang object of sale.
Kabilang din sa nakuha ang isang selyadong sachet, pekeng pera, cellphone, at isang minivan.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya habang ang menor de edad ay itinurn-over sa Ministry of Social Services and Development-BARMM para sa nararapat na aksyon.