Apat na dating kasapi ng isang violent extremist group ang boluntaryong sumuko sa militar nitong Enero 10, 2026 sa himpilan ng 6th Infantry Battalion sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur.

Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga indibidwal ang iba’t ibang matataas na uri ng kagamitang pandigma, kabilang ang isang M16 rifle, isang M1 Garand rifle, isang M203 grenade launcher, at isang M79 grenade launcher.

Ang mga sumuko ay pormal na iniharap kina Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, at Lt. Col. Al Victor C. Burkley, Commanding Officer ng 6th Infantry Battalion.

Dumalo rin sa aktibidad sina Datu Salibo Mayor Omar Ali at kinatawan ng bayan ng Shariff Saydona Mustapha upang suportahan ang proseso ng reintegration ng mga sumukong indibidwal.

Nagbigay rin ng paunang tulong na bigas at cash assistance ang lokal na pamahalaan, katuwang ang tanggapan ni MP Atty. Bai Sittie Fahanie S. Uy-Oyod.

Ayon sa militar, ang pagsuko ng apat ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan upang pahinain ang presensya ng mga armadong grupo at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad at lokal na pamahalaan para sa kaukulang dokumentasyon, seguridad, at pagsailalim ng mga sumuko sa mga programa ng pamahalaan.

Photos from 601st Infantry Unifier Brigade