Apat na tao ang namatay matapos bumagsak ang isang pribadong eroplano sa isang palayan sa Ampatuan, Maguindanao del Sur kahapon Huwebes ng hapon.
Ayon kay Ameer Jehad Ambolodto, ang provincial disaster response officer ng probinsya, natagpuan ng mga sumaklolong grupo ang katawan ng apat na biktima sa nasirang eroplano na Beechcraft King Air 300, na may numerong N349CA.
Ayon sa ilang saksi, lumilipad nang mababa ang eroplano bago biglang bumagsak sa isang bukas na bukirin sa Barangay Malatimon.
May mga video sa social media na nagpapakita ng bumagsak na eroplano at isang kalabaw na nadamay sa aksidente.
Pinoprotektahan ngayon ng mga pulis at sundalo ang lugar habang hinihintay ang mga imbestigador mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon naman sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, ang eroplano ay inuupahan ng militar ng Amerika, ngunit hindi pa nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol dito.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung saan nanggaling ang eroplano at ano ang dahilan ng pagbagsak nito.
Ayon sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, ang eroplano ay inuupahan ng militar ng Amerika at nagbibigay ng suporta sa intelihensiya, pagbabantay, at pagmamanman bilang tulong sa mga kaalyadong Pilipino.
Kumpirmado na walang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplano. Apat ang sakay nito – isang sundalong Amerikano at tatlong defense contractors.
Hindi pa inilalabas ang mga pangalan ng mga biktima habang hinihintay ang abiso sa kanilang pamilya.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano, at magbibigay ng karagdagang impormasyon kapag mayroon nang bagong detalye.