Isa na namang dagok sa hanay ng mga rebelde matapos sumuko ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pamahalaan noong Marso 2, 2026.
Ayon sa Philippine Army, kusang-loob na nagbalik-loob ang apat na dating rebelde sa pangunguna ni Lt. Col. Jose Redentor Gilbuela, commanding officer ng 26th Infantry Battalion, sa punong himpilan ng yunit sa Barangay Zamora sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur.

Hindi lamang mga tauhan ang nawala sa hanay ng mga rebelde. Kasabay ng kanilang pagsuko ang pagsurrender ng ilang matataas na uri ng armas na ginagamit umano sa kanilang operasyon. Kabilang sa mga isinuko ang tatlong M16 rifle, isang BAR Galil rifle, isang M4A1 carbine, pati na iba pang war materials at kagamitang medikal.

Kinilala ang mga sumuko sa kanilang mga alyas na “Prix” o “Bodot,” dating Vice Commanding Officer ng na-disband na RSDG Compaq ng North Central Mindanao Regional Committee; “Jeda,” na kilala rin bilang “Ching” o “Nathan,” na nagsilbing ordnance personnel ng Regional Operations Command; at sina “Front” o “Laban” na kilala rin bilang “Mark,” at “As-as,” na kapwa kabilang sa isang squad ng HQF NEO ng parehong regional committee.
Ayon kay Brig. Gen. Seigfred C. Tubalado, commander ng 403rd Infantry Brigade, malaking dagok sa organisasyon ng mga rebelde ang pagsuko ng mga indibidwal na may hawak ng mahahalagang posisyon sa kanilang hanay.
Dagdag pa niya, malinaw na senyales ito ng patuloy na paghina ng impluwensya ng mga rebelde sa lalawigan.
Sa ngayon, sumasailalim sa custodial debriefing ang mga sumukong rebelde habang inihahanda ang kanilang pagpasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP, kung saan makatatanggap sila ng tulong pinansyal, pagsasanay sa kabuhayan, at iba pang benepisyo mula sa pamahalaan.
Samantala, muling nanawagan ang 403rd Infantry Brigade sa natitirang mga miyembro ng NPA na isuko ang kanilang mga armas at piliin ang landas ng kapayapaan kasama ang kanilang mga pamilya.


















