Apat na sundalo ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos tambangan ng hinihinalang mga kasapi ng Dawlah Islamiyah ang sinasakyan nilang sasakyan sa Barangay Liningding, bayan ng Munai, Lanao del Norte, kahapon bandang alas-10 ng umaga.

Ayon sa 2nd Mechanized Infantry Brigade, palabas pa lamang ng kampo ang mga sundalo upang bumili ng mga pangunahing suplay nang sila ay paulanan ng bala ng hindi pa matukoy na bilang ng mga armado sa isang liblib na bahagi ng Purok 1, habang tumatawid sa isang ilog ang kanilang sasakyan.

Lulan ng isang asul na Toyota Avanza ang mga biktima sa oras ng insidente.

Kinumpirma naman ng Western Mindanao Command o WESTMINCOM na ang mga sundalo ay kabilang sa Task Unit Tabang na nasa ilalim ng operational control ng 2nd Mechanized Infantry Brigade at bahagi ng Civil-Military Operations unit na nagsasagawa ng community service activities sa mga malalayong barangay ng Munai.

Nilinaw ng militar na hindi sangkot sa anumang engkwentro ang mga sundalo nang mangyari ang pananambang.

Sa ngayon, patuloy ang reinforcement at clearing operations ng militar sa lugar upang tugisin ang mga responsable sa krimen.

Mariing kinondena ng WESTMINCOM ang insidente at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo, habang pansamantalang hindi pa inilalabas ang kanilang mga pangalan hangga’t hindi pa naaabisuhan ang mga kaanak.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naturang insidente.