Sumuko ang limang miyembro ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa tropa ng 48th Infantry (Guardians) Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Kenny Rae C. Tizon. Isinagawa ang simpleng seremonya ng pagsuko sa pamamagitan ng tradisyong Kanduli, isang ritwal ng pasasalamat sa Poong Maykapal sa kultura ng mga Maguindanaon.
Ipinasa ng mga dating rebelde ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang M14 rifle, isang M16 rifle, isang Carbine, isang Cal. .50 rifle, at isang Cal. 30 rifle. Ipinresenta sila sa hepe ng 601st Infantry Brigade na si Brig. Gen. Edgar L. Catu sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur.
Kinilala ang mga sumuko na sina Muhammidin Panegas, Abdula Muhamad, Datu Manot Abubakar Panegas, Abdullah Yusop, at Datu Ali Panegas.
Iginiit ni Lt. Col. Tizon na resulta ito ng mas pinatinding kampanya laban sa terorismo at ng pagtutulungan ng militar, lokal na pamahalaan, at mga lider-komunidad. “Patunay ito na gumagana ang whole-of-nation approach kung saan nagkakaisa ang lahat para sa kapayapaan at kaunlaran,” aniya.
Nagpahayag din ng suporta sa kampanya laban sa loose firearms ang kandidato sa pagka-alkalde ng Datu Salibo na si Datu Jong Ampatuan at ang kanyang running mate na si Omar Ali, matapos nilang isuko ang isang 81mm mortar at isang 5.56 rifle.
Ibinunyag ng isa sa mga dating sub-leader ng grupo ang kanilang dahilan sa pagsuko: “Matagal na kaming pagod sa gulo. Wala namang patutunguhan ang aming ipinaglalaban. Gusto naming makapiling ang aming pamilya at mamuhay nang tahimik.”
Nagpahatid ng pasasalamat si Brig. Gen. Catu sa suporta ng mga lokal na opisyal at mamamayan sa pagsuporta sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno. “Hindi lang ito tagumpay ng militar, kundi ng buong komunidad ng Bangsamoro na naghahangad ng tunay at pangmatagalang kapayapaan,” dagdag niya.
Patuloy namang nananawagan ang 601st Brigade sa natitirang mga miyembro ng BIFF na samantalahin ang pagbubukas ng gobyerno para sa pagbabalik-loob at pakikiisa sa layunin ng kapayapaan sa rehiyon.