Limang dating miyembro ng Komunistang Teroristang Grupo at ng nawalang Guerrilla Front 51 SMRC ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan matapos sumuko sa Headquarters ng 39th Infantry “Smash’em” Battalion sa Poblacion, Makilala, North Cotabato, nitong Pebrero 4, 2026.

Ayon kay LTC Hector A. Estolas, Commander ng 39th Infantry Battalion, patuloy nilang hinihikayat ang iba pang dating miyembro ng grupo na pormal na sumuko upang makinabang sa mga programa, benepisyo, at tulong na iniaalok ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng opisyal na tinitiyak ng 39IB ang proteksyon at seguridad para sa mga nagbabalik-loob at sa kanilang pamilya, bilang bahagi ng pagtataguyod ng kapayapaan at maayos na kinabukasan sa rehiyon.

Ang matagumpay na pagsuko ay bunga ng isinagawang Former Rebels (FRs) Forum, kung saan ang mga naunang nagbalik-loob na dating rebelde ay tumukoy sa mga natitirang miyembro ng grupo sa lugar.

Ang buong operasyon ay isinakatuparan sa pamamagitan ng Bagong Buhay Team (BBT) ng 39th Infantry Battalion, na nagpapakita ng bisa ng whole-of-nation approach ng pamahalaan sa pagtatapos ng lokal na armadong tunggalian.


















