Limang kababaihan ang pinaghihinalaang biktima ng human trafficking matapos harangin ng mga awtoridad ang kanilang tangkang pag-alis patungong Malaysia kamakailan.
Batay sa ulat, na-intercept ang mga ito noong Marso 24, 2026 sa Bongao, Tawi-Tawi ng 1st Special Operations Unit ng Maritime Group dahil sa kakulangan ng kaukulang dokumento at hindi pagsunod sa tamang proseso ng pagbiyahe palabas ng bansa.
Ayon sa inisyal na impormasyon, papunta sana sa Malaysia ang mga biktima upang magtrabaho bilang escort masseuses, kung saan pinangakuan umano sila ng sahod na nasa ₱30,000 hanggang ₱34,000 sa loob ng sampung araw.
Matapos ang insidente, dinala ang mga ito sa pangangalaga ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa Tawi-Tawi para sa paunang assessment. Sa isinagawang pagsusuri, napag-alamang pawang mula sa Maynila ang mga naturang indibidwal.
Noong Marso 29, 2026, inilipat ang mga biktima sa Zamboanga City sa pamamagitan ng koordinasyon ng MSSD, kung saan sila ay dinala sa Processing Center for Displaced Persons (PCDP) Region IX.
Doon ay isinailalim ang mga ito sa karagdagang assessment at counseling, kabilang ang pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa human trafficking at mga panganib nito.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nananatili ang mga ito sa nasabing pasilidad habang inaayos ang kanilang pagbabalik sa kanilang mga pamilya sa Maynila.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang mga posibleng sangkot sa umano’y ilegal na recruitment.
Samantala, muling pinaalalahanan ang publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa, lalo na kung ito ay dumadaan sa hindi malinaw na proseso.

















