Nag-ulat ng malalaking tagumpay ang Philippine National Police (PNP) sa loob ng 24 oras—mula alas-8 ng umaga ng Pebrero 27 hanggang alas-8 ng umaga ng Pebrero 28, 2026—matapos maaresto ang limang Most Wanted Persons sa iba’t ibang rehiyon at makasamsam ng mahigit ₱38 milyong halaga ng ilegal na droga sa magkakasabay na operasyon sa buong bansa.

Sa pinaigting na manhunt operations, nadakip ang isang Top 1 Most Wanted sa Taguig City na nahaharap sa kasong qualified rape at iba pang kaugnay na paglabag. Dalawa namang Top 5 Most Wanted sa Agusan del Sur at Davao de Oro ang inaresto dahil sa kasong statutory rape at dalawang bilang ng rape. Naaresto rin ang Top 7 Most Wanted sa Maynila para sa dalawang bilang ng acts of lasciviousness, at ang Top 8 Most Wanted sa Davao City na may kasong murder.

Lahat ng mga suspek ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong rape at murder.

Dalawang dayuhan din ang inaresto sa Taguig City matapos pagsilbihan ng warrant of arrest—isang Taiwanese na nahaharap sa kasong resistance and disobedience to a person in authority, at isang Korean national na may kasong estafa.

Ayon kay PNP Chief, Jose Melencio C. Nartatez Jr., hindi titigil ang PNP sa pagtugis sa mga may kinahaharap na kaso. Binigyang-diin niya na mahalagang maihatid ang hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya, at mas nagiging ligtas ang mga komunidad sa bawat pagkakaaresto ng mga most wanted.

Sa kampanya kontra ilegal na droga, umabot sa ₱38.05 milyon ang kabuuang standard drug price ng mga nakumpiskang kontrabando. Kabilang dito ang malawakang marijuana eradication operations sa Cordillera Administrative Region at Ilocos Region kung saan winasak ang mahigit 61,000 tanim ng marijuana at 40,000 gramo ng tuyong dahon na nagkakahalaga ng ₱17.08 milyon.

Sa hiwalay na operasyon sa Benguet, nadiskubre at sinunog ang mahigit 11,250 tanim ng marijuana at 84,000 gramo ng tuyong dahon na may fruiting tops na tinatayang nasa ₱12.33 milyon ang halaga.

Sa buy-bust operations naman sa Quezon, Iloilo at Muntinlupa City, tatlong High-Value Individuals ang naaresto at higit 671 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱4.56 milyon ang nasamsam.

Sa Surigao del Norte, narekober sa baybayin ang 600 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4.08 milyon matapos itong madiskubre ng isang concerned citizen. Samantala, sa Cagayan de Oro City, nakumpiska ang ₱1.2 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa koordinasyon ng Bureau of Customs.

Sa Misamis Oriental, walong indibidwal ang naaresto sa isinagawang anti-illegal mining operation kung saan nasamsam ang mga mineral ores at kagamitan sa pagpoproseso na nagkakahalaga ng ₱1,123,595.

Binigyang-diin ni Nartatez na ang mga tagumpay na ito ay patunay ng tuloy-tuloy at nakatutok na pagpapatupad ng batas ng PNP, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang peace and order sa buong bansa.

Iginiit ng PNP na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga wanted persons, ilegal na droga at iba pang krimen, kasabay ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”