BINAWIAN ang limang pulis habang sugatan ang tatlo matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan ang tropa ng PNP sa Sharrif Aguak, Maguindanao del Sur.
Sa naging eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato at Bombo Radyo Philippines kay Police Captain Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office–BAR, galing sa routine patrol ang mga biktima nang bigla silang pasabugan at paulanan ng bala habang pabalik sa kanilang detachment.
Dalawa sa sugatan ang sumailalim sa operasyon dahil sa tama ng bala habang ang isa ay tinanggalan ng shrapnel at patuloy na ginagamot sa ospital.
Sinabi ng pulisya na indikasyon ng isang planado at well-coordinated na pag-atake ang naturang ambush.
Wala pang kumpirmadong bilang ng mga suspek ngunit mayroon nang persons of interest at isinasagawa ang forensic at ballistic examination sa lugar ng insidente.
Patuloy ang hot pursuit operations ng PNP katuwang ang Armed Forces of the Philippines upang matunton at maaresto ang mga salarin.
Pinaigting na rin ang police presence, checkpoints at intelligence operations sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa mga nasawing pulis.

















