Pinangunahan ng 57th Infantry (Masikap) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni LTC Aeron T. Gumabao INF (GSC) PA, at nasa Operational Control (OPCON) ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, ang pormal na turnover ng 648 pirasong high at low-powered loose firearms mula sa iba’t ibang indibidwal sa isang seremonya sa Municipal Hall ng Upi noong Nobyembre 6, 2025.

Photo by 6th Infantry “Kampilan” Division, Philippine Army 

Ang pagsuko ng mga baril ay bunga ng masiglang pagtutulungan sa pagitan ng Municipal Task Force – Ending Local Armed Conflict (MTF-ELAC) Upi at ng pinaigting na Information, Education, and Communication (IEC) campaign para sa pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) program. Kaagapay din dito ang Assistance for Security, Peace, Integration, and Recovery (ASPIRE) Project ng United Nations Development Programme (UNDP), na parehong layuning pigilan ang pagkalat ng loose firearms at isulong ang matatag na kapayapaan sa mga dating conflict-affected areas.

Photo by 6th Infantry “Kampilan” Division, Philippine Army 

Dumalo sa aktibidad sina MGEN Donald M. Gumiran PA, Commander ng Western Mindanao Command (WESMINCOM)/Joint Task Force Central (JTFC); MGEN Francisco Ariel A. Felicidario III (Ret.), GPH Co-Chair; PBGEN Jaysen De Guzman, Regional Director ng PRO-BARMM; Hon. Ramon A. Piang Sr., Member of Parliament ng Bangsamoro Transition Authority (BTA)-BARMM; Hon. Ma. Rona Cristina A. Piang-Flores, Municipal Mayor ng Upi; at Mr. Sunao Hachiri, Project Manager ng ASPIRE Project – UNDP.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni MGEN Gumiran na ang seremonya ay sumasagisag sa pagpili ng mamamayan ng Upi na yakapin ang kapayapaan kaysa karahasan:

“Ang bawat baril na isinuko ay simbolo ng isang buhay na nailigtas at isang komunidad na nagkakaisa para sa kapayapaan at kaunlaran,” aniya.

Pinuri naman ni BGEN Santos, Commander ng 603rd Brigade, ang 57IB sa kanilang dedikasyon:

“Ang pagtutulungang ito ay patunay ng sama-samang pagpili ng ating mga kababayan na talikuran ang karahasan. Patuloy kaming magiging tagapagtanggol ng kapayapaan na ating pinaghirapan.”

Nagpahayag din ng pasasalamat si LTC Gumabao sa mga lokal na lider at mamamayan sa kanilang pakikiisa:

“Ang 57th Infantry Battalion ay mananatiling katuwang ng mamamayan sa pagtataguyod ng isang bansang malaya sa takot at kaguluhan,” wika niya.

Ang mga isinumiteng baril ay pansamantalang idineposito sa headquarters ng 57IB para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.

Photo by 6th Infantry “Kampilan” Division, Philippine Army 

Ang makasaysayang turnover na ito ay isang malaking hakbang tungo sa tuloy-tuloy na kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Norte. Ipinakita ng tagumpay na ito na sa tulong ng pagkakaisa ng militar, pamahalaan, at mamamayan, tunay na maisusulong ang isang ligtas, payapa, at maunlad na Bangsamoro region.