Nasawi ang isang batang babae na anim na taong gulang matapos makuryente habang nagsasaksak ng cellphone charger sa kanilang tahanan sa Cadiz City, Negros Occidental.

Batay sa ulat nitong Biyernes, nangyari ang insidente sa mismong bahay ng pamilya ng bata.

Ayon sa ama ng biktima, nakita pa raw niyang may hawak na cellphone ang anak bago nito isaksak ang charger sa electrical outlet.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nadikit umano ang daliri ng bata sa metal na bahagi ng saksakan, dahilan upang siya’y makuryente.

Agad siyang dinala sa ospital pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Nagsisilbing paalala ang insidenteng ito sa kahalagahan ng pagbibigay ng gabay at babala sa mga bata kaugnay sa paggamit ng kuryente at mga kagamitang elektrikal.