Anim na dating rebelde, kasama ang sampung miyembro ng Yunit Milisya at dalawampung mass supporters, ang kusang sumuko sa gobyerno sa Lebak, Sultan Kudarat, dala ang 20 armas pandigma.

Ayon kay Lt. Col. Aeron T. Gumabao ng 57th Infantry Battalion, nagmula ang mga sumuko sa mga barangay ng Basak, Bululawan, Nuling, Ragandang, at Poloy-Poloy.

Ang pagsuko ay isinagawa noong Marso 29, 2025, sa Brgy. Salangsang sa pamamagitan ng isang peace rally at pulong-pulong, bunga ng Community Support Program (CSP) sa pakikipagtulungan ng Task Force-ELCAC.

Kabilang sa isinuko ay M16A1 rifles, caliber .45 at .38 pistols, grenade launchers, shotguns, at iba pang armas.

Iprinisesnta ang mga sumuko kay Brig. Gen. Michael A. Santos ng 603rd Brigade, kasama sina PTF-ELCAC representative Eric Van Christopher Zaragoza at Mayor Frederick Celestial.

Mahigit 100 katao, kabilang ang dating mass supporters at opisyal ng barangay, ang dumalo.

Ayon kay Maj. Gen. Donald M. Gumiran ng 6ID, patunay ito na humihina na ang suporta sa mga teroristang grupo.

Hinimok niya ang iba pang rebelde na magbalik-loob para sa kapayapaan at kaunlaran.

Patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang mga programa upang matulungan ang mga nagbalik-loob na makapamuhay nang normal at mapayapa.