Nabulabog ang ilang hinihinalang drug personalities matapos salakayin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 (PDEA-12) ang isang hinihinalang drug den sa Purok 6 Chico, Barangay Lanao, Kidapawan City, dakong alas-11:20 ng umaga noong Miyerkules, April 09, 2025.
Target ng operasyon ang isang Danilyn na kilala rin sa alyas na “Pipay,” 27 anyos, isang dicer at residente ng Barangay Sudapin, Kidapawan City. Si “Pipay” ang itinuturong nagpapatakbo ng naturang drug den. Sa pagsalakay, naabutan ng mga awtoridad ang ilang indibidwal na umano’y gumagamit ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga naaresto sina Nathan, 29 anyos, isang helper sa isang mekaniko shop; Christian, 22 anyos; Janrey, 23 anyos, isang pribadong empleyado; AJ, 30 anyos na mula sa Gubatan, Magpet; at Jefferson, 24 anyos, gasoline pump boy mula sa Plaridel, Poblacion, Kidapawan. Lahat ng mga suspek ay naaktuhang nasa loob ng drug den sa gitna ng operasyon.
Nakuha mula sa lugar ang iba’t ibang sukat ng sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱40,000. Narekober rin ang mga drug paraphernalia na ginagamit sa pagre-repack at paggamit ng ilegal na droga, pati na ang marked money na ginamit sa buy-bust.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.