Isinasampa na ang kasong rape with homicide laban kay alyas Ronald, isang residente ng Purok 8, Simulao, Barangay Bunawan Brook, Bunawan, Agusan del Sur.
Siya ay itinuturong responsable sa panggagahasa at pagpatay sa isang 6-taong gulang na batang babae. Natagpuan ang bata na wala nang buhay sa isang kanal bandang alas-9 ng gabi noong Abril 7, 2025.
Ayon sa ina ng biktima, si alyas Maria, nagsimulang mag-alala ang ina nang hindi pa umuuwi ang kanyang anak bandang alas-6 ng gabi. Dahil dito, humingi siya ng tulong mula sa mga kapitbahay upang maghanap.
Bandang alas-9 ng gabi, nadiskubre nila ang bata sa isang kanal, wala nang buhay at may mga pasa sa bibig at tiyan. Nakitang may dugo ring umaagos mula sa pribadong bahagi ng katawan ng bata.
Ayon sa mga saksi, ang huling nakasama ng biktima bago mangyari ang krimen ay si alyas Ronald. Dahil dito, agad na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek, at sa kalaunan ay nahuli siya at ikinulong sa Bunawan Municipal Police Station.