Sa pangunguna ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, at sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Loqui O. Marco ng 90th Infantry Battalion, matagumpay na isinagawa ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at People’s Organization Enhancement Program sa Headquarters ng 90IB sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Layunin ng naturang programa na paigtingin ang kaalaman at kasanayan ng mga miyembro ng People’s Organization na binubuo ng mga dating Former Violent Extremists (FVEs) na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Kabilang sa mga naging aktibidad ang Lecture on Registration and Initial Capitalization ng Cooperative Development Authority at Workshop on Project Proposal Creation na nagbigay ng kaalaman sa paggawa ng mga proyektong pangkabuhayan upang makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang samahan at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad.
Humigit-kumulang 50 kalahok mula sa iba’t ibang People’s Organizations at kooperatiba sa Maguindanao del Sur ang dumalo sa naturang programa — isang patunay ng kanilang hangarin na maging katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni LTC Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90IB, na “Layunin nating bigyan ng bagong oportunidad ang mga kababayan nating nagbalik-loob upang maging produktibong mamamayan. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, mas pinatitibay natin ang pagkakaisa para sa tunay na kapayapaan.”
Samantala, binigyang-diin naman ni BGen. Edgar L. Catu na, “Ang kapayapaan ay hindi lamang nakukuha sa pamamagitan ng armas, kundi sa pagkakaisa at pagtutulungan. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat na ipagpatuloy ang pagtutulungan tungo sa mapayapang pamayanan.”
Sa pahayag naman ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division, Joint Task Force Central at Western Mindanao Command, sinabi niyang “Patuloy ang 6ID sa pagsuporta sa mga programang nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga nagbalik-loob sa lipunan. Ang E-CLIP ay konkretong hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan.”
Ang aktibidad ay nagpapatunay ng patuloy na pagtutulungan ng 90IB, 601st Brigade, at 6th Infantry Division sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran, bilang katuparan sa layunin ng Philippine Army na “Serving the People, Securing the Land.”