Nasa 61 na loose firearms ang nasamsam at 47 na mga personalidad ang nahuli ng mga pwersa ng pamahalaan sa isang Joint Law Enforcement Operation ngayong Biyernes ng umaga (Nobyembre 29, 2024) sa Barangay Pimbalakan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Ayon sa mga ulat, ang mga nag-aaway na armadong grupo nina Badrudin Inda at Zainudin Kiaro sa mga Barangay ng Pimbalakan at Tukanalipao sa Mamasapano ay nagdudulot ng takot at pangamba sa mga residente dulot ng mga engkwentro sa lugar. Sa kabila ng mga naganap na peace dialogues kasama ang Local Government Unit, patuloy pa rin ang mga armado na labanan.
Kumilos ang mga pwersa ng seguridad matapos magsumbong ang mga apektadong residente na natatakot sa kaligtasan nila dahil sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa kanilang lugar. Isinagawa ang isang joint operation ng PNP at mga Opisyal ng Barangay upang alisin ang mga loose firearms sa mga komunidad at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan at mapigilan ang mga engkwentro.
Ayon kay Col. Ricky P Bunayog, Officer in Charge ng 601st Brigade, “Ang mga tropa ng 601Bde ay tumutulong sa PNP ng Mamasapano sa pagsasagawa ng Law Enforcement Operations bilang tugon sa mga kriminal na gawain ng mga lawless armed groups upang maipatupad ang rule of law.”
Idinagdag pa ni Col. Bunayog, “Hindi namin papayagan ang sinuman o sinumang grupo na lalabag sa mga batas ng bansa at sa karapatang pantao. Hinihikayat namin ang bawat isa na magbigay ng anumang impormasyon tungkol sa mga kriminal na gawain sa inyong mga komunidad upang magawan agad ng aksyon ng mga otoridad at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga salot sa kapayapaan.”
Samantala, si Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Commander ng 6ID at JTF Central, ay nanawagan sa mga nag-aaway na partido na ayusin ang kanilang mga alitan sa mapayapa at legal na paraan. Aniya, hindi titigil ang mga pwersa ng gobyerno sa pagsugpo sa patuloy na karahasan, lalo na’t papalapit na ang panahon ng eleksyon. Ayon kay Maj. Gen. Nafarrete, “Ayon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magpapatuloy tayo sa mga joint law enforcement operations upang alisin ang lahat ng ilegal at loose firearms.”
Dagdag pa ni Maj. Gen. Nafarrete, “Kung magpapatuloy ang mga alitan, kami ng 6ID, katuwang ang PNP, ay magsasagawa ng mga operasyon upang kumpiskahin ang mga ilegal na armas at magsampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga sangkot sa mga nagaganap na engkwentro. Kami ay nakatuon sa pagpapairal ng batas at paggawa ng mga hakbang upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.”