Patuloy ang pagmonitor ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa mga kaso ng dengue sa lungsod matapos maitala ang 67 kaso mula Enero hanggang Mayo 13, 2025 — ang pinakamataas na bilang kumpara sa mga kalapit-probinsya.
Sa kabuuang 114 pasyente ng dengue na na-discharge sa ospital ngayong taon, halos 60% ay mula sa Cotabato City. Tatlo ang nasawi sa nasabing panahon ayon sa pinakahuling datos mula sa CRMC Health Information Management Department.
Samantala, dalawang pasyente pa ang kasalukuyang naka-admit sa ospital hanggang Mayo 16, 2025 — isa mula sa pediatric ward at isa mula sa adult medicine ward.
Patuloy ang paalala ng mga health authorities na mag-ingat, linisin ang kapaligiran, at huwag hayaang maipunan ng tubig ang mga lalagyan na maaaring pamugaran ng lamok.
Ang datos ay mula sa Hospital Epidemiology Surveillance Unit ng CRMC.