Ipinagdiwang ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo) sa flag raising ceremony noong Setyembre 1, 2025 sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Kasabay nito ang Fish Conservation Week, International Coastal Clean-up Day at National Maritime Day na may temang “Nagkakaisang Kapuluan, Panatag na Karagatan.”

Binasa ni Col. Ruben Aquino ang opisyal na pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nananawagan na muling tuklasin ang pamana ng bansa bilang seafaring nation, isulong ang pangangalaga sa kalikasan, at mamuno nang may pananaw para sa kinabukasan. Binigyang-diin ng Pangulo na ang pagprotekta sa karagatan ay para sa soberanya at para sa susunod na henerasyon.

Kasabay nito, ginawaran ng promosyon sina Major Anthony Joseph Lusterio at Captain Sheila Marie Rose Lara. Ayon kay Maj. Gen. Donald Gumiran, Commander ng 6ID at JTF Central, ang promosyon ay tanda ng bagong responsibilidad, tiwala, at mas mataas na dedikasyon sa kanilang tungkulin.