Buong suporta ang ibinibigay ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army sa ipinaglalaban ng Pilipinas para sa karapatan sa West Philippine Sea.

Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at ng Joint Task Force Central, hindi lamang sa lakas ng armas nasusukat ang pagtatanggol sa bayan, kundi sa matatag na paninindigan para sa tama at makatarungan na panig ng kasaysayan.

Ginawa ni Maj. Gen. Gumiran ang pahayag sa isinagawang sabayang Flag-raising ceremony nitong Hulyo 14 sa Camp Siongco Grandstand, bilang paggunita sa ika-9 na anibersaryo ng arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumabor sa Pilipinas.

Sa nasabing desisyon noong Hulyo 12, 2016, kinilala ng international tribunal na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang West Philippine Sea at binasura ang malawak na pag-aangkin ng China sa ilalim ng “nine-dash line.”

Dagdag ni Maj. Gen. Gumiran, ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang simpleng isyung pang-diplomasya o heograpiya, kundi ito ay tungkol sa soberanya, dangal, at kinabukasan ng bawat Pilipino.

Binasa rin ni Gumiran ang opisyal na mensahe ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr., na nananawagan sa lahat ng mamamayan na “Alamin, Ipaglaban, at Suportahan” ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Dinaluhan ang maikling seremonya ng mga opisyal, enlisted personnel, at civilian human resource ng Kampilan Division, bilang pagpapakita ng pagkakaisa at matatag na paninindigan ng Sandatahang Lakas sa pagprotekta sa karapatang-pantubig at pambansang interes ng bansa.