Binigyang-diin ng Chief of Staff ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army na ang pagiging sundalo ay hindi lamang isang propesyon, kundi isang marangal na tungkuling nangangailangan ng buong pusong paglilingkod sa bayan.

Ito ang mensahe ni Colonel Manuel Leo Q. Gador sa pagbubukas ng Infantry Orientation Training (INFOT) Class 01-2026, kung saan sinabi niyang ang nasabing pagsasanay ay hindi lamang simpleng requirement, kundi mahalagang pundasyon sa paghubog ng bawat kawal. Ayon sa kanya, dito hinahasa hindi lang ang kakayahan at taktika sa labanan, kundi pati ang disiplina, layunin, at matibay na karakter ng isang sundalo.

Isinagawa ang opening ceremony noong Enero 15, 2026 sa 6th Infantry Division Training School (6DTS) sa Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Sa programa, pormal na ipinakilala ang mga kalahok ng kurso sa pamamagitan ni Major Saturnino Mar Biem F. Perez, Training Director ng paaralan.

Kasunod nito, idineklara ni Colonel Guillermo T. Mabute, Commandant ng 6DTS, ang opisyal na pagsisimula ng pagsasanay. Ayon sa kanya, binubuo ang INFOT Class 01-2026 ng 34 na bagong komisyong tenyente at 50 bagong enlisted na privates, na sasailalim sa masinsinang pagsasanay sa infantry operations.

Layunin ng programa na makalikha ng mga sundalong disiplinado, may sapat na kakayahang pisikal at operasyonal, at handang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Photos from Kampilan Trooper Updates, Philippine Army