Puspusan na ang mga hakbangin at mga panuntunan na isinasagawa ng 6th Infantry “Kampilan” Division o 6ID upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan lalot papalapit na ang halalan sa Mayo ngayong taon.
Sa programa ng Philippine Information Agency na Talakayang Dose, sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, ang tumatayong tagapagsalita ng 6ID at commanding officer ng 6th Civil Military Operations Batallion na kamakailan ay kanilang ipinatawag ang mga miyembro ng Regional Joint Peace at Security Coordinating Centers upang masinsinang talakayin ang mga usapin sa papalapit na halalan.
Dagdag pa ni Orbon, miyembro ng nasabing grupo ang Comelec, PNP, AFP maging ang PCG. Sinimulan na rin aniya ng 6ID ang pagsasagawa ng mga risk assessment upang matunton ang mga lugar na sa kanilang panimbang ay mga high risk areas sa eleksyon.
Isinusulong rin aniya ang pagsasagawa ng mga peace covenants maging mga candidate forums na kung saan iniimbitahan ang bawat kandidato at hihingiin ang kanilang commitment para sa isang mapayapang halalan sa Mayo.
Nakatakda na rin isagawa ng 6ID ngayong Enero ang peace summit na kasama rin ang mga local candidates sa ibat ibang lugar sa rehiyon.