Labing-apat na residente ang nasaktan, pito ang nasirang bahay, at dalawang sasakyan ang napinsala matapos tumama ang isang buhawi sa limang barangay sa bayan ng Tupi, South Cotabato nitong hapon ng Huwebes.

Sa kabuuang bilang ng mga nasaktan, dalawa ang isinugod sa ospital habang labindalawa naman ang nagtamo lamang ng minor injuries at agad na nabigyan ng paunang lunas o first aid.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tupi Municipal Police Station sa pangunguna ni Major Rovi Jardenil, katuwang ang Bureau of Fire Protection at ang Tupi Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kabilang sa mga apektadong lugar ang mga barangay ng Crossing Rubber, Cebuano, Lunen, Tubeng, at Palian.

Bukod sa mga bahay at sasakyang nasira—kabilang na ang dalawang airconditioned Toyota Hi-Ace vans na tinamaan ng mga bumagsak na punongkahoy—nasira rin ang malawak na mga taniman ng short-term crops at mga pinya sa naturang mga lugar.

Ayon kay Emil Sumagaysay, hepe ng Tupi MDRRMO, patuloy ang kanilang ginagawang assessment at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala.