Umalingawngaw ang malalakas na putok sa Brgy. Estado, Matalam, North Cotabato, na nagresulta sa pagkasawi ng pito katao habang isa naman ang nakaligtas.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PLt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Provincial Police Office, kinumpirmang walong indibidwal ang sangkot sa insidente pito ang nasawi at isa ang nakaligtas. Lahat umano ng biktima ay hindi residente ng lugar at mula pa sa Cotabato City at Maguindanao.

Wala pang nakukuhang identity ng mga suspek, ngunit patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan. Kinokonsidera ng PNP na ang mga responsable ay maaaring kabilang sa isang lawless armed group na matagal nang namamalagi sa lugar.

Samantala, 20 pamilya ang patuloy na nanunuluyan sa evacuation center dahil sa takot. Patuloy parin ang masusing imbestigasyon ng Cotabato Provincial Police Office upang matukoy ang mga salarin at malinawan ang tunay na dahilan sa nangyaring barilan.