Pitong katao ang nasawi matapos pagsasaksakin ng isang lalaki sa loob ng isang panaderya sa Antipolo City ngayong umaga. Ayon sa pulisya, walang ipinakitang pagtutol ang suspek nang siya ay arestuhin.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Boggart”, at sa panayam ng mga awtoridad matapos basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine, sinabi nitong pinatay niya ang kanyang mga kasamahan dahil umano sa plano ng mga ito na siya ay ipapatay.
Giit ni Boggart, pinagdudahan niyang gusto siyang alisin sa negosyo ng panaderya. Aniya, kung siya raw ay mapapatay, maliit na porsyento na lamang ng kita ng panaderya ang mapupunta sa kanyang asawa — dahilan kung bakit hindi na siya mapakali at nawalan ng tulog.
Kwento pa niya, inantay niyang makatulog ang kanyang mga biktima bago isinagawa ang krimen. Pinatay niya ang ilaw sa loob ng panaderya at isa-isang sinaksak ang mga ito gamit ang balisong at kutsilyo.
Sinubukan umanong lumaban ng mga biktima, ngunit dahil sa dilim ng paligid, nahirapan silang makakita, kaya’t mas napadali para sa suspek ang pananaksak sa kanila.