Sumuko ang pitong dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG), kabilang ang ilang menor de edad, sa 37th Infantry (Conqueror) Battalion at pormal na ipinrisinta sa lokal na pamahalaan at militar nitong Setyembre 8, 2025 sa Kalamansig Municipal Hall, Sultan Kudarat.

Tinanggap ni BGEN Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, at ni Kalamansig Mayor Ronan Eugene C. Garcia ang mga sumuko na tinaguriang Friends Rescued o FRs.

Ayon sa ulat ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, napilitan ang mga dating rebelde na sumuko dahil sa tuloy-tuloy na operasyon ng militar na nagpahina sa kanilang hanay, gayundin sa gutom at pagod na kanilang naranasan habang nagtatago sa kabundukan.

Nagkaloob naman ang lokal na pamahalaan ng tig-isang sako ng bigas at ayudang pinansyal na personal na iniabot ni Mayor Garcia. Mariin niyang kinondena ang paggamit sa mga kabataan bilang kasapi ng armadong kilusan at binigyang-diin na malaking kawalan ang kanilang nasayang na kabataan.

Inihayag din ng alkalde ang plano ng LGU-Kalamansig na magtayo ng halfway house upang magsilbing ligtas na silungan para sa mga sumuko, lalo na sa kabataan. Sa pasilidad na ito, mabibigyan sila ng livelihood programs, skills training, edukasyon, at psychosocial support bilang paghahanda sa pagbabalik sa lipunan.

Samantala, pinuri ni BGEN Santos ang desisyon ng mga sumuko at tiniyak na patuloy ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran para sa mas magandang kinabukasan ng mga dating rebelde at kanilang pamilya.

Patuloy din ang panawagan ng militar sa natitirang kasapi ng CTG na sumuko na at samantalahin ang pagkakataong makabalik bilang produktibong mamamayan.

— Via 603rd Infantry (Persuader) Brigade