Posibleng mabigyan ng National Amnesty Commission ang aabot sa halos 700 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na nagsumite ng kanilang aplikasyon para sa programang pangamnestiya ng ahensya.
Ayon kay Peace Security and Reconciliation Office Executive Director at MILF-AHJAG Chairman Anwar Alamada, umabot sa libo ang dami ng aplikante subalit nasa 700 aniya lamang ang posibleng makatanggap ng amnestiya mula sa ahensya.
Noong nakaraang linggo, sinimulan ang seremonya sa mga aplikante o gustong mabigyan ng amnestiya. Prayoridad ng naturang programa ang mga senior officials at front commanders ng MILF maging ang mga nagnanais na maghain ng kanilang Certificate of Candidacy o COC sa darating na oktubre at tumakbo sa halalan sa susunod na taon.
Nakaraang taon ng magpalabas ang palasyo ng Malacanang ng Executive Order Number 47 na nag-aamiyenda sa EO 125 na naging susi sa pagbuo ng Pambansang Komisyon sa Amnestiya o NAC.
Alinsunod sa kautusan, ipagpapatuloy ng NAC ang proseso sa aplikasyon ng mga rebelde at pagaralan kunsino ang mabibigyan ng amnestiya.
Makikinabang sa naturang programa ang mga miyembro ng MILF, MNLF maging ang grupo ng makakaliwang NPA ngunit di nito sakop ang mga kaso na may kinalaman sa mga krimen na tulad ng kidnap for ransom, massacre, rape, terorismo, droga, torture at iba pang matinding paglabag sa karapatang pantao.
Layon nito na isulong ang inisyatibong pangkapayapaan sa mga grupo at himukin ang mga dating rebelde na magbalik loob na sa gobyerno at magbagong buhay kapiling ng pamilya.