Isang 76-anyos na babae ang biglang sinaksak ng isang lalaki sa Tagum City Terminal bandang alas-9:00 ng umaga ngayong araw, Enero 29.
Kinilala ang biktima na si Maria Lora Embodo, residente ng Monkayo, Davao de Oro, na patungo sana sa Isulan, Sultan Kudarat.
Samantala, ang suspek ay nakilalang si alyas “JR,” 27-anyos, na sumakay mula sa Mawab.
Ayon sa ulat, pagdating sa terminal ay bigla na lamang nitong sinaksak ang biktima gamit ang dala niyang sundang, na tumama sa tainga ng senior citizen.
Sa kabutihang-palad, hindi malubha ang tinamong sugat ng biktima.
Agad namang naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Tagum City Police Station.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.