Walo (8) na loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa pitong barangay sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na armas. Ang turn-over ceremony ay isinagawa noong Enero 20, 2026 sa Municipal Hall, Brgy. Adaon, sa pangunguna ni BGen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st (UNIFIER) Brigade, at ni Lt. Col. William G. Sabado, Acting Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry (LAKAN) Battalion, sa tulong ng 12th Mechanized Infantry (VIPER) Company sa pamumuno ni Cpt. Robert Jhon G. Carian.

Kabilang sa mga nagbigay ng armas ang mga residente mula Brgy. Midtimbang, Adaon, Mapayag, Brar, Tulunan, Nunangan, at Tugal, at pormal itong ipinrisinta kay BGen. Catu at kay Mayor Datu Nathaniel S. Midtimbang. Dumalo rin sa aktibidad ang mga opisyal ng LGU-DAM, pulisya, at mga lokal na lider tulad ni PMaj. Sukarnain Kunakon, Chief of Police ng MPS-DAM, at ABC President Hon. Kiko Midtimbang.

Ayon sa pamahalaan, ang hakbang na ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng AFP at lokal na pamahalaan upang mabawasan ang banta ng karahasan at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad. Binigyang-diin ni BGen. Catu na ipagpapatuloy ng AFP ang koleksyon ng natitirang loose firearms sa lugar. Samantala, sinabi ni MGen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (KAMPILAN) Division, na ang matagumpay na turn-over ay nagpapakita ng koordinasyon ng militar at lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa Datu Anggal Midtimbang.