Matagumpay na naisagawa ngayong Nobyembre 3, 2025, sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao del Sur, ang pagsuko at pormal na turn-over ng walong piraso ng mga loose at high-powered firearms (HPFAs) sa pangunguna ng 1st Mechanized Infantry (Lakan) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Robert F. Betita.

Ang aktibidad ay bahagi ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program ng pamahalaan na naglalayong bawasan ang pagkalat ng mga iligal na armas at itaguyod ang seguridad at kaayusan sa mga komunidad.
Kabilang sa mga isinukong armas ay isang 60mm mortar at pitong matataas na kalibre ng baril, na pormal na ipinrisinta kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade.

Dumalo rin sa seremonya ang mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Guindulungan sa pangunguna ni Mayor Guiadzali M. Midtimbang, mga kinatawan ng Sangguniang Bayan, mga Punong Barangay, Philippine National Police (PNP), at iba pang kinauukulang ahensya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Midtimbang ang kahalagahan ng kooperasyon ng mamamayan sa mga programa ng pamahalaan kaugnay ng pagsuko ng mga armas bilang hakbang tungo sa kapayapaan at mas ligtas na komunidad.

Ipinahayag naman ni Brig. Gen. Catu na ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay senyales ng pakikiisa ng mga residente sa adhikain ng pamahalaan para sa pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command at 6th Infantry (Kampilan) Division, ang mga sektor na nakibahagi sa programa at nanawagang ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa pagpapatupad ng SALW Management Program upang mapanatili ang seguridad sa mga komunidad.
Ayon sa militar, ang isinagawang turnover ng mga armas ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa peace and security normalization efforts sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.

		
















