Isinuko ng mga residente ng Maguindanao del Norte at Cotabato City ang kabuuang 80 matataas na kalibreng baril sa militar, sa isang seremonyang isinagawa sa Camp Iranun (dating Camp Abubakar) sa Barira, Maguindanao del Norte.
Ang turnover ay bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program na layuning bawasan ang pagkalat ng mga loose firearms at itaguyod ang kapayapaan sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
Bagama’t hindi nakadalo nang personal si Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta, pinuno ng Philippine Navy, tumanggap siya ng turnover presentation sa pamamagitan ng virtual meeting. Dito niya muling ipinahayag ang buong suporta sa 1st Marine Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Romulo Quemado II.
Ayon kay Ezpeleta, patuloy ang suporta ng Navy sa paghahanda para sa nalalapit na halalan ngayong Mayo, gayundin sa mga security operation sa Cotabato City at mga karatig-bayan. Kaugnay nito, pinaigting ng Marines ang seguridad sa lungsod at sa mga baybaying lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.