Nasamsam ng militar ang siyam na matataas na kalibre ng baril sa magkahiwalay na operasyon sa Maguindanao del Sur kahapon, Pebrero 13. Ayon sa ulat, nagpatupad ng mas mahigpit na checkpoint ang kasundaluhan matapos ang pamamaril kay ABC President Edris Sangki at Barangay Treasurer Abdul Latip sa Datu Abdullah Sangki.

Ayon kay Col. Edgar Catu, Commander ng 601st Brigade, mabilis nilang tinugis ang mga suspek na tumakas sakay ng isang puting minivan. Sa operasyon, narekober ng 33rd Infantry Battalion ang apat na M16 rifle, dalawang M14 rifle, limang bandolyer, at iba pang gamit pandigma mula sa inabandonang sasakyan.

Sa isa pang operasyon, natagpuan naman ng 90th Infantry Battalion ang tatlong matataas na kalibre ng baril sa isang abandonadong bahay sa Barangay Kakal, Ampatuan.

Pinuri ni Brigadier General Donald Gumiran ng 6th Infantry Division ang mabilis na aksyon ng militar upang mapanatili ang kapayapaan sa lugar, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Patuloy ang pinaigting na operasyon ng militar upang matiyak ang seguridad ng mamamayan sa Maguindanao del Sur.