Isinuko ang siyam na (9) na matataas na kalibreng baril bilang bahagi ng kasunduan upang tuluyang matigil ang rido sa pagitan ng dalawang grupo na kapwa kabilang sa 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Timbangan, Shariff Aguak.

Ayon sa ulat ng 601st Infantry Brigade, 6th Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang kusang pagsuko ng mga armas noong Disyembre 15, 2025 bandang alas-11 ng umaga. Ang rido ay kinasasangkutan ng grupo ni Maki Dumpao at ng grupo ni Datu Baks “Sangki” Kindo alyas “Tuwabak,” na dati nang nauwi sa ilang armadong sagupaan sa kabila ng mga naunang kasunduang pangkapayapaan.

Batay sa kasunduan ng magkabilang panig, malinaw na itinakda na ang anumang pag-uulit ng armadong sigalot ay magreresulta sa pagsuko ng kanilang mga armas o kaya’y sasailalim sa operasyong militar. Kaugnay nito, pinangunahan ng 601st Brigade, katuwang ang 33rd Infantry Battalion, 90th Infantry Battalion, mga ceasefire mechanism ng MILF-CCCH, at ang lokal na pamahalaan, ang serye ng dayalogo at negosasyon upang pigilan ang paglala ng karahasan. Ang hakbang ay isinagawa matapos ang armadong engkuwentro noong Disyembre 10 sa nasabing barangay.

Pormal na iprinisinta ang mga isinukong armas kina Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, kasama ang mga commanding officer ng 33IB at 90IB, sa headquarters ng 90IB sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan.

Kabilang sa mga isinukong armas ang dalawang Cal. .50 Barrett rifles, mga M14 at M16A1 rifles, Bushmaster rifles, at isang improvised Cal. .30 BAR, pati na ang mga kaugnay na kagamitang pandigma.

Bilang bahagi ng bagong kasunduan, nagkasundo ang magkabilang panig na iwasan ang anumang uri ng karahasan. Ayon sa mga awtoridad, ang sinumang lalabag sa kasunduan ay maaaring sumailalim sa zoning measures at lehitimong operasyong militar sa loob ng saklaw ng 601st Infantry Brigade.

PHOTOS FROM 601st Infantry Brigade