Nakumpiska ang siyam na armas ng 601st Infantry Brigade sa kanilang mga operasyon sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao del Sur ngayong linggo.

Narekober ng pinagsanib na puwersa ng 33rd Infantry Battalion, 61st Division Reconnaissance Company, at 3rd Cavalry Company ang apat na armas — dalawang M16 rifles, isang 12-gauge shotgun, at isang M203 grenade launcher — sa Barangay Masulot, Sultan sa Barongis noong madaling araw ng Marso 13. Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng clearing operation laban sa mga sangkot sa karahasang komunidad sa lugar.

Narekober rin noong hapon ng Marso 12 ang dalawang M14 rifles ng 6th Infantry Battalion sa Barangay Duaminanga, Datu Piang. Itinurn-over naman sa 90IB ang isang sniper rifle at dalawang M203 grenade launcher tubes matapos ang Political Candidates’ Forum sa Datu Hoffer.

Iginiit ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601Bde, ang kahalagahan ng pagkakalap ng mga loose firearms upang maiwasan ang krimen at kaguluhan. Aniya, “Ang bawat armas na narekober ay katumbas ng pagligtas ng maraming buhay.”

Pinuri rin ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division ang matagumpay na operasyon ng mga sundalo. Binigyang-diin niya na ang pagkumpiska ng mga armas ay mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan, lalo na sa nalalapit na 2025 National at Local Elections.