Siyam na dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) ang sumuko sa mga awtoridad sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat noong Oktubre 30, 2025.

Kabilang sa mga sumuko ang isang dating miyembro ng Regional Operational Command (ROC) ng Far South Mindanao Region (FSMR) at walong dating kasapi ng dismantled West Daguma Front ng parehong rehiyon. Isinuko rin nila ang tatlong M1 Garand rifles at isang caliber .45 pistol sa mga tropa ng 37th Infantry Battalion (37IB), Philippine Army Intel Unit, at 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company (2nd SKPMFC).

Pormal silang ipinresenta kina Brig. Gen. Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, at Mayor Ronan Eugene C. Garcia ng Kalamansig sa isang seremonya na ginanap sa Kalamansig Municipal Hall.

Batay sa paunang pahayag ng mga sumuko, napagpasyahan nilang bumalik sa pamahalaan upang linisin ang kanilang pangalan at tuluyang putulin ang kaugnayan sa kilusan. Isa sa kanila, na dating bahagi ng ROC-FSMR, ang nagsabing napilitan siyang sumuko dahil sa hirap ng pamumuhay at presyur mula sa nagpapatuloy na Focused Military Operations (FMO) sa kanilang lugar, bukod pa sa mga nabigong pangako ng grupo.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson M. Capuyan, Commanding Officer ng 37IB, kasalukuyang sumasailalim sa debriefing ang mga sumukong indibidwal habang inihahanda ang kanilang reintegration process sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

Samantala, sinabi ni Brig. Gen. Santos na patuloy na hinihikayat ng militar ang mga natitirang miyembro ng CTG na magbalik-loob sa pamahalaan, kasabay ng pagtiyak ng patas na pagtrato sa mga susuko. Aniya, mananatiling nakahanda ang mga tropa na ipagtanggol ang mamamayan at tiyakin ang katahimikan sa rehiyon.

Ang nasabing pagsuko ay bahagi ng nagpapatuloy na kampanya ng 603rd Infantry Brigade at 6th Infantry (Kampilan) Division kasama ang mga lokal na pamahalaan upang tapusin ang lokal na armadong tunggalian at makamit ang matatag na kapayapaan at kaunlaran sa Sultan Kudarat at kalakhang Gitnang Mindanao.

SOURCE: 603rd Infantry – Persuader Brigade