‎Labis ang tuwa at kasiyahan ng mga mamimili at tindero sa Old Market, Poblacion 5, Cotabato City nitong Sabado matapos ang matagumpay na Palengke Activation ng “Swerte sa Palengke 2025” promo na inihatid ng 93.7 Star FM Cotabato at Bombo Radyo.

‎Maaga pa lamang ay dagsa na ang mga tao sa lugar upang makilahok sa masayang aktibidad. Sampung (10) masuwerteng indibidwal ang nanalo ng tig-P1,000, habang higit 500 pesos na halaga ng mga gift pack na nakalagay sa iconic na Orocan na balde ang ipinamahagi rin sa mga nanalo.

‎Ayon kay Maylene Miñoza, isa sa mga nakilahok sa promo, tunay na inaabangan ng mga taga-Cotabato ang mga pa-promo ng 93.7 Star FM dahil “legit” ang mga papremyo at ginaganap mismo ang raffle sa harap ng publiko. Bukod pa rito, busog pa ang lahat sa tinapay na inihatid ng Gardenia at natuwa sa iba’t ibang palengke games na naging bahagi ng programa.

‎Ang “Swerte sa Palengke 2025” ay bahagi ng nationwide promo campaign ng Bombo Radyo Philippines na sabay-sabay na isinasagawa sa 25 piling lugar sa bansa, kabilang na ang Cotabato City. Layunin nitong pasayahin at bigyang gantimpala ang mga mamimili sa mga pampublikong pamilihan habang pinapalakas ang ugnayan ng estasyon sa mga lokal na komunidad.