Matagumpay na nakarekober ng mga armas at pampasabog ang mga tropa ng 95th Infantry (Salaknib) Battalion sa Barangay Canadam, Maconacon, Isabela bandang alas-nwebe ng umaga noong Oktubre 31, 2025.

Photos by 𝟗𝟓𝐓𝐇 𝐈𝐍𝐅𝐀𝐍𝐓𝐑𝐘 (𝐒𝐀𝐋𝐀𝐊𝐍𝐈𝐁) 𝐁𝐀𝐓𝐓𝐀𝐋𝐈𝐎𝐍

Ayon sa ulat, natagpuan ng mga kasundaluhan ang isang (1) Garand rifle at isang (1) granada sa dating pinagkukutaan ng nabuwag na Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KRCV). Ang naturang operasyon ay naisakatuparan sa tulong ng impormasyon mula sa mga residente ng lugar.

Itinuring ng militar ang nasabing tagumpay bilang malinaw na patunay ng matibay na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan, lokal na pamahalaan, at mga puwersa ng gobyerno sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Photos by 𝟗𝟓𝐓𝐇 𝐈𝐍𝐅𝐀𝐍𝐓𝐑𝐘 (𝐒𝐀𝐋𝐀𝐊𝐍𝐈𝐁) 𝐁𝐀𝐓𝐓𝐀𝐋𝐈𝐎𝐍

Ang mga nakumpiskang kagamitan ay agad na isinailalim sa maingat na disposition process upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan at maiwasan ang anumang posibleng insidente.

Nanawagan naman ang 95th Infantry Battalion sa publiko na ipagpatuloy ang pagbibigay ng impormasyon at pakikipagtulungan sa pamahalaan upang tuluyang masugpo ang mga natitirang banta sa kapayapaan sa lalawigan ng Isabela.