Sa unang pagkakataon sa loob ng 74 na taon, sasali ang Palestine sa prestihiyosong Miss Universe pageant.

Kinumpirma na ang Dubai-based model na si Nadeen Ayoub ang magiging kinatawan ng Palestine sa Miss Universe 2025.

Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Ayoub na itinuturing niyang malaking responsibilidad ang dalang titulo bilang kinatawan ng kanyang estado. Layunin daw niyang gamitin ang kanyang plataporma upang ipahayag ang mga istorya at tinig ng mga kababaihan at kabataan sa Palestine.

Kasabay nito, inilunsad niya ang proyektong “Sayidat Falasteen” na magbibigay pansin sa mga madalas na hindi natututukang kwento ng mga babaeng Palestino.

Hindi na baguhan si Ayoub sa beauty pageant matapos niyang makuha ang korona bilang Miss Earth – Water noong 2022. Bukod sa pagiging beauty queen, isa rin siyang fitness coach at founder ng Olive Green Academy, isang kompanyang nakatuon sa sustainability at artificial intelligence.

Gaganapin ang Miss Universe 2025 sa darating na Nobyembre 21 sa Thailand, kung saan makakasama rin niya ang pambato ng Pilipinas na si Ahtisa Manalo.