Inilabas ng Cotabato Regional and Medical Center ang pinakahuling datos kaugnay sa mga kaso ng COVID-19, Monkeypox at Dengue hanggang Agosto 18, 2025.
Sa tala, umabot na sa 162,239 ang suspected cases ng COVID-19 mula pa noong Mayo 2020, habang nasa 8,677 ang kumpirmadong kaso. Sa kasalukuyan, apat na pasyente ang nananatiling naka-admit sa ospital na may malubhang kondisyon. Nasa 3,305 na ang gumaling at umabot na sa 424 ang bilang ng nasawi. Pinakamaraming kaso ay nagmula sa mga probinsya ng BARMM, na may halos anim na libo, kasunod ang Region Dose na may mahigit isanlibo.
Samantala, nakapagtala rin ang CRMC ng dalawampung suspected cases at limang kumpirmadong kaso ng Monkeypox mula Mayo ngayong taon. Lahat ng mga pasyente ay nakalabas na at wala nang nananatiling naka-admit. Wala ring naitalang nasawi. Karamihan ng mga kaso ay mula rin sa BARMM provinces.
Para naman sa Dengue, umabot na sa dalawang daan at sampung kaso mula Enero 2025. Dalawa ang nananatiling naka-admit, kapwa sa pediatric ward. May dalawang daan at walong pasyente ang gumaling ngunit apat ang naitalang nasawi. Pinakamarami pa rin ang kaso sa BARMM na may 195, habang dose sa Region Dose at isa sa ibang lugar.
Patuloy ang paalala ng Cotabato Regional and Medical Center sa publiko na maging mapagmatyag at agad na magpatingin sa mga health facility sakaling makaranas ng sintomas ng mga nasabing sakit.