Nagprotesta kahapon, Lunes, ang ilang residente ng Lanao del Sur sa harap ng Bangsamoro Government Center sa Cotabato City upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa umano’y hindi makatarungang redistricting sa lalawigan.

Sentro ng usapin ang mga bayan ng Kapai at Lumba Bayabao na nakatakdang isailalim sa pagbabago ng mga hangganan at distrito.

Giit ng mga residente, ginawa ito nang walang sapat na konsultasyon sa mga komunidad na direktang maaapektuhan.

Panawagan ng mga nagprotesta, ipatigil muna ang implementasyon ng redistricting hangga’t walang malinaw na dayalogo at konsultasyon.

Para sa kanila, labag ito sa prinsipyo ng mamamayan dahil maaaring makaapekto sa kanilang kinabukasan, representasyon, at identidad bilang isang komunidad.