Nanawagan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. sa mga sundalo na pangalagaan ang kanilang mental health at umiwas sa mga bisyong maaaring makasira hindi lamang sa kanilang serbisyo kundi maging sa kanilang pamilya, tulad ng pagsusugal.
Sa kanyang pagbisita sa headquarters ng 6th Infantry (Kampilan) Division noong Agosto 19, 2025, binigyang-diin ni Gen. Brawner na bawat suliranin ay may solusyon at hinimok ang mga tropa na humanap ng mas malulusog na paraan ng pagharap sa mga hamon ng buhay. Ayon sa kanya, mahalaga para sa bawat kawal na manatiling matatag at hindi magpadaig sa personal na problema.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng AFP Chief ang mga sundalo na iwasan ang anumang aktibidad na maaaring magbukas ng daan sa katiwalian. Iginiit niya na dapat mapanatili ang mataas na tiwala ng publiko sa AFP bilang isa sa mga pinakapinagkakatiwalaang institusyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng integridad at propesyonalismo.
Ipinahayag din ni Gen. Brawner ang kanyang kasiyahan sa pagbabalik sa 6ID, na aniya’y may espesyal na kahulugan sa kanya dahil dito siya nagsilbi bago maitalaga bilang AFP Chief of Staff. Pinuri rin niya si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, dahil sa matagumpay na pamumuno at sa dedikasyon ng mga opisyal, enlisted personnel, at civilian human resource ng dibisyon.
Mainit siyang sinalubong ng 6ID community sa pangunguna ni Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete, Commanding General ng Philippine Army, kasama ang iba pang mataas na opisyal ng militar.