Isang 19-anyos na kabataang Meranaw mula Marawi City, Lanao del Sur ang patuloy na nakikilala sa larangan ng karate sa loob at labas ng bansa.

Si Princess Juhanifa Minalang ay nagsimulang mahilig sa karate noong siya ay 12 taong gulang bilang paraan ng pagtatanggol sa sarili. Taong 2022, nakuha niya ang kanyang unang medalya, isang pilak, sa isang paligsahan sa Cagayan de Oro.

Noong 2023, nakamit niya ang gintong medalya sa Okazaki International Cup, kasama ang isang tansong medalya sa Junior’s Female Advance Kata category, at isa pang ginto sa Open Invitational Cup Karatedo One-upmanship. Nakuha rin niya ang tansong medalya sa 5th Karate Pilipinas National Championships noong 2024 at pilak naman sa 6th Karate Pilipinas National Championships noong 2025.

Naharap man siya sa ilang pagsubok, kabilang ang mga problemang pinansyal sa pagsali sa 2023 Shurido Cup sa Japan, ipinagpatuloy pa rin ni Minalang ang kanyang pagsasanay at paglahok sa mga paligsahan.

Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ni Minalang ang kanyang pag-aaral sa Mindanao State University-Main Campus habang sabay na nagsasanay para sa mga susunod na kompetisyon.