Matagumpay na nabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM, sa tulong ng Mapun Municipal Police Station, ang isang hinihinalang drug den sa Barangay Boki matapos ang ikinasang buy-bust operation nitong Agosto 20.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawampu’t anim (26) na heat-sealed sachet na naglalaman ng puting kristal na sangkap na pinaghihinalaang shabu, tinatayang tumitimbang ng walong gramo. Nakuha rin ang marked money, iba’t ibang drug paraphernalia, mga identification card, at dalawang cellphone.
Kinilala ni Director Gil Cesario P. Castro ang mga naaresto na sina alyas “Delat,” 52-anyos at itinuturong tagapamahala ng drug den; alyas “Boy,” 22; at alyas “Jing,” 52. Bukod dito, isang menor de edad ang nasagip sa operasyon at agad na isinailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tamang interbensyon.
Ang tatlong suspek, na pawang residente ng Mapun, ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.