Pinangunahan ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang isang Peace and Development Dialogue na ginanap sa Training Center sa Barangay Limpongo, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur. Layunin ng pagtitipon ang pagtukoy at pagtalakay sa mga pangunahing isyu at pangangailangan ng mga Katutubong Pamayanan o IPs sa lugar.

Ang dayalogo ay pinamunuan ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, kasama sina Lt. Col. Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion; Capt. Rhoben C. Suva, CMO Officer ng 90IB; at 1Lt. Jasper Ian Molina, Commanding Officer ng Alpha Company, 90IB.

Dumalo rin sa aktibidad sina Mayor Prince Sufri M. Ampatuan at Vice Mayor Bai Bongbong M. Ampatuan ng Datu Hoffer, Provincial Director PCol. Sultan Salman S. Sapal ng PPO Maguindanao del Sur, Chief of Police PCpt. Beatriz R. Taeza ng Datu Hoffer MPS, Members of Parliament Froilyn Mendoza at Butch Malang ng BTA-BARMM, at Deputy Minister Rene T. Batitao ng MIPA-BARMM.

Ilan sa mga naging pangunahing usapin ng IP community ay ang pagbabalik ng nasa 80 pamilya mula Barangay Limpongo patungong Sitio Bagurot sa Tuayan Mother na kinabibilangan ng parehong IPs at Muslim, ang pagsusuri at pinal na pag-apruba ng kanilang Ancestral Domain, at ang pagbabalik ng halos 40 pamilya mula Barangay Limpongo patungong Barangay Mantao.

Sa kanyang pahayag, tiniyak ni Mayor Ampatuan ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa mga katutubo para sa ligtas at marangal na pagbabalik nila sa kanilang lupang ninuno. Ayon sa kanya, handa ang bayan ng Datu Hoffer na makipagtulungan sa militar, kapulisan, at ministries ng BARMM upang matiyak ang maayos na kabuhayan, kapayapaan, at pagkilala sa karapatan ng mga katutubo.

Binigyang-diin naman ni Brig. Gen. Catu ang mahalagang papel ng Philippine Army hindi lamang sa usapin ng seguridad kundi bilang katuwang din sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsuporta sa kaunlaran ng mga pamayanan. Dagdag pa niya, nakahanda ang 601st Brigade at 90th Infantry Battalion na tumulong sa pagbabalik ng mga lumikas na pamilya at sa pagtataguyod ng karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, kasabay ng pagpapatibay ng seguridad at katahimikan sa lugar.