Kasama na si Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa mga alkalde na lumagda sa panawagan ng Mayors For Good Governance (M4GG) para sa patas at independiyenteng imbestigasyon kaugnay ng mga maanumalyang flood control projects ng pamahalaan.

Ayon sa nilagdaang pahayag, nananawagan ang M4GG ng masusing imbestigasyon na walang kinikilingan at walang pinoprotektahan, upang mapanagot ang mga nasa likod ng naturang kontrobersya.

Giit ni Mayor Matabalao, kaisa siya ng mga kapwa alkalde at ng taumbayan sa paghahanap ng tunay na kasagutan at pananagutan hinggil sa anomalyang mismong nadiskubre ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang M4GG ay pinangungunahan nina Mayor Benjamin Magalong ng Baguio, Mayor Vico Sotto ng Pasig, Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, at Mayor Sittie Hataman ng Isabela City, Basilan.