Pormal na lumagda ngayong Martes, Agosto 26, 2025 sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang 1st Mechanized Infantry (Maaasahan) Brigade ng Philippine Army at mga kumander ng Moro National Liberation Front (MNLF) bilang “Partners for Peace” sa isinagawang seremonya sa Camp Leono, Barangay Kalandagan, Tacurong City, Sultan Kudarat.

Pinangunahan ni Brigadier General Omar V. Orozco, commander ng 1st Mechanized Brigade, ang paglagda na layong pagtibayin ang pagtutulungan ng magkabilang panig upang maiwasan ang posibleng alitan, palakasin ang kooperasyon, at higit pang paigtingin ang mga hakbang para sa kapayapaan sa loob at labas ng nasasakupan ng brigade.

Nakasaad din sa kasunduan ang mas mahigpit na ugnayan sa pagbabantay laban sa mga posibleng “peace spoilers” at maagap na pagtugon sa mga hamon na maaaring makasagabal sa katahimikan ng rehiyon.

Bago pa man ang kasunduang ito, nagsagawa na si BGen Orozco ng mga peace dialogue noong 2021 sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Battalion Commander ng 2nd Mechanized Infantry Battalion sa Maguindanao.

Ang inisyatibang iyon ang naglatag ng pundasyon para sa mas matibay na tiwala at kooperasyon sa mga komunidad.

Sa pamamagitan ng MOU, muling pinagtitibay ng Philippine Army ang kanilang pangako sa inklusibong kapayapaan at pagpapanatili ng matatag na seguridad sa Central Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Via 1st Mechanized Infantry (Maaasahan) Brigade