Labing-siyam (19) na estudyante ng Bachelor of Science in Criminology mula sa isang pribadong paaralan sa Kidapawan City ang nagsampa ng reklamo laban sa kanilang apat na senior officers matapos umano silang isailalim sa hazing kaugnay ng reception rites para sa mga interns.

Ayon sa mga biktima, bukod sa pananakit ay ginamitan pa sila ng umano’y battery solution o tubig-pangbaterya na isinaboy sa kanilang mga katawan. Dahil dito, nagtamo sila ng mga paso at lapnos sa anit, likod, at iba pang bahagi ng katawan.

Naging viral sa social media ang insidente matapos kumalat ang ulat ukol sa paggamit ng tubig-baterya sa initiation rites.

Samantala, naglabas ng pahayag ang pamunuan ng paaralan at tiniyak na iimbestigahan nila ang insidente upang alamin ang posibleng pananagutan ng mga senior officers, partikular kung mapatunayang ginamit nga ang naturang kemikal sa aktibidad.